ISKWATER BLOG #2
Iskwater
Ni Luis G. Asuncion
Mula sa Ani: Panitikan ng Kahirapan
Pagtataya:
1. Ano ang sentral na paksa ng sanaysay?
- Ang sentral na paksa ng sanaysay ay ang pagtalakay sa mga pangyayari sa ating lipunan. Patungkol ito sa mga kaganapan sa lugar ng iskwater. Nais ipabatid ng may akda ang estado ng buhay ng mga nasa iskwater. Nakapaloob din sa sanaysay ang patungkol sa pamamalakad ng gobyerno, kaakibat nito ang kakulangan ng suporta ng gobyerno sa mga naninirahan sa iskwater na siyang lalong nagpapahirap at nagpapabigat sa kalagayan at kahirapan ng mga taong naninirahan sa iskwater.
2. Mayroon bang paksa na ‘di tuwirang tinalakay sa teksto? Magbigay ng halimbawa.
-“IIang beses na rin nag banta ang pamahalaan na idemolis ang mga bahay”. Nakikita ko ang paksang ito bilang di tuwiran sa pagtalakay ng teksto, sapagkat kapag ito ay mangyaring may dahas, mas lalong magiging kawawa ang mga nasa mababang estado ng buhay. Nabanggit sa sanaysay na gusto nilang makaahon sa kahirapan at makaalis sa kanilang lugar ngunit wala silang alam na lilipatan at perang pagpatayo ng kanilang sariling tahanan. Ang gobyerno sana natin mismo ay makapagbigay ng naayon na suporta upang matugonan ito. Bigyan ng disenteng lugar na matitirahan, pangkabuhayan at perang pansimula para sa kanilang panibagong buhay.
3. Ano ang layunin ng may-akda sa pagtalakay sa paksa? Ipaliwanag.
- Layunin ng may akda sa pagtalakay sa paksa ay upang ipabatid sa mga mambabasa ang realidad at mga kaganapan sa buhay ng mga nasa iskwater. Tinalakay din dito na hindi lamang mahihirap ang mga naninirahan sa iskwater ngunit mayroon ding mga may kaya sa buhay. Sa pamamagitan ng sanaysay, mamumulat ang mga mambabasa sa katotohanang mga nangyayari sa ating lipunan at magiging daan din ito upang tayo'y magkaroon ng kamalayan sa ating kapaligiran.
4. Ano-anong mga ideya ang sinasang-ayunan mo sa sanaysay? Bakit?
Ano-ano naman ang mga hindi mo sinasang-ayunan? Bakit?
- “Ang mahihirap ay 'di kailan man makakatira sa lugar ng mga mayayaman. Pero ang mga mayayaman ay maaaring manirahan sa lugar ng mga mahihirap ano mang oras nilang gustuhin." Isa ito sa mga ideyang sinasang-ayunan ko sa sanaysay sapagkat alam natin at mulat tayong lahat na sa pagitan ng mga mayaman at mahirap ay walang pantay na pribilehiyo kung kaya't kung kapos ka sa pera ay hindi mo magagawa ang mga kagustuhan mo at kung angat ka sa buhay ay malaki ang oportunidad na magagawa mo anumang gustuhin mo.
-“Ipinanganak akong mahirap, at mamatay din yata akong mahirap”. Hindi ako sang-ayon sa ideyang ito sapagkat naniniwala ako na hindi sa lahat ng panahon ay mananatili tayong mahirap. Maging matatag at magpursigi lamang sa buhay at samahan ng pananalig sa diyos, magtiwala sa sarili, sa tamang panahon at pagkakataon, aayon din sa atin ang takbo ng buhay.
5. Paano ka nakakaugnay sa mga kaisipang nakalahad sa teksto? Ipaliwanag.
-Bilang isang mamamayan ng ating bayan na nakararanas ng kahirapan, maiuugnay ko ang aking sarili sa nakalahad na teksto sapagkat minsan din akong nangarap na makaahon sa kahirapan. Nais kong maiangat ang aming buhay at maramdaman ang karangyaan katulad ng iba. Ngunit napagtanto ko na hindi ganoon kadali ang pagkamit ng masaganang buhay at walang ibang tutulong kundi ang iyong sarili mismo. Matutong magpursigi at makuntento sa kung anong mayroon at itatak lamang sa isipan na darating ang takdang panahon na nakalaan para sa atin.
6. Gaano kahalaga ang pagtalakay ng sanaysay sa paglilinaw sa konsepto ng iskwater? Nabago ba nito ang pananaw mo sa kahulugan ng iskwater? Ipaliwanag.
-Mahalaga ang pagtalakay ng sanaysay sa paglilinaw sa konsepto ng iskwater sapagkat karamihan sa atin lalo na ang mga kabataan na nabago ng modernisasyon ay lubos ang pag-aakala na puro mahihirap lamang ang naninirahan sa lugar ng iskwater. Nabago nito ang aking pananaw at mga ideya patungkol sa iskwater sapagkat namulat ako sa realidad na kaganapan sa aking kapaligiran lalo na sa mga taong naninirahan sa iskwater.
7. Paano maiuugnay ang teksto sa realidad ng lipunan sa kasalukuyan? Ipaliwanag.
- Maiuugnay ang teksto sa realidad ng lipunan sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagtalakay ng kahirapan. Alam nating lahat na ang kahirapan ay isa sa pangunahing problema ng ating bansa mula pa noon at hanggang sa kasalukuyan. Kahirapan pa minsan ang ugat ng mga krimen na nangyayari sa ating lipunan. Sa paglaganap ng pandemya, marami sa atin ang lubhang naapektuhan kung kaya't patuloy tayong nakakaranas ng gutom, kakulangan ng sapat na mga pangangailangan, isyu sa nutrisyon at kawalan ng trabaho. Ilan lamang ito sa mga kaganapan sa ating lipunan sa kasalukuyan, masasabi ko na kahirapan ang ugnayan sa pagitan ng teksto at sa realidad ng ating lipunan sa kasalukuyan.
Mungkahing Gawain
1.Gawan ng concept map ang salitang iskwater sa loob ng kahon.