ISANG DIPANG LANGIT BLOG #1

 Isang Dipang Langit


Ni Amado V. Hernandez



Ako’y ipiniit ng linsil na puno

Hangad palibhasang diwa ko’y piitin,

Katawang marupok, aniya’y pagsuko,

Damdami’y supil na’t mithiin ay supil.

Ikinulong ako sa kutang malupit:

Bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;

Lubos na tiwalag sa buong daigdig

At inaring kahit buhay man ay patay.



Sa munting dungawan, tanging abot-malas

Ay sandipang langit na puno ng luha,

Maramot na birang ng pusong may sugat,

Watawat ng aking pagkapariwara.



Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,

Sa pintong may susi’t walang makalapit;

Sigaw ng bilanggo sa katabing mong,

Anaki’y atungal ng hayop sa yungib.



Ang maghapo’y tila isang tanikala

Na kala-kaladkad ng paang madugo

Ang buong magdamag ay kulambong luksa

Ng kabaong waring lungga ng bilanggo.



Kung minsa’y magdaan ang payak na yabag,

Kawil ng kadena ang kumakalanding;

Sa maputlang araw saglit ibibilad,

Sanlibong aninong iniluwa ng dilim.



Kung minsan, ang gabi’y biglang

Magulantang sa hudyat – may takas! – at

Asod ng punlo;kung minsa’y tumangis ang

Lumang batingaw, sa bitayang moog, may naghihingalo.



At ito ang tanging daigdig ko ngayon –

Bilangguang mandi’y libingan ng buhay;

Sampu, dalawampu, at lahat ng taon

Ng buong buhay ko’y dito mapipigtal.



Nguni’t yaring diwa’y walang takot-hirap

At batis pa rin itong aking puso:

Piita’y bahagi ng pakikilamas,

Mapiit ay tanda ng di pagsuko.



Ang tao’t Bathala ay di natutulog

At di habang araw ang api ay api,

Tanang paniniil ay may pagtutuos,

Habang may Bastilya’y may bayang gaganti.



At bukas, diyan din, aking matatanaw

Sa sandipang langit na wala nang luha,

Sisikat ang gintong araw ng tagumpay…

Layang sasalubong ako sa paglaya!



1. Basahin at suriin ang mensahe ng tulang “Isang Dipang Langit” ni Amado V. Hernandez.

- Suriin kung anong uri ng tula? Anong Teoryang pampanitikan ang angkop gamitin sa pagsusuri?

- Ang tulang Isang Dipang Langit ay isang uri ng tulang Elehiya. Karamihan sa bawat saknong ay nais ipabatid ang pagdadalamhati at kalungkutan kung kaya’t masasabi kong isa itong uri ng tulang Elehiya. Ang Teoryang Pampanitikan na angkop sa pagsusuri ay Teoryang Realismo sapagkat ipinahayag ng may akda ang mga totoong kaganapan sa loob ng bilangguan, ang mga hinagpis, kalungkutan, kalupitan at mga luhang hindi mapigilan sa pagpatak. Ipinakita ng may akda ang katotohanan kaysa kagandahan sapagkat ipinahayag nito ang mga karahasang nangyari sa loob ng bilangguan.

- Anong taglay na diwa/tema ang inilalarawan ng persona sa tula.


- Ang tema na taglay na inilalarawan ng persona sa tula ay ang karahasan at hindi pantay na hustisya sa mga taong kapos sa buhay. Nagpapakita ang diwa/ temang ito ng kawalan ng respeto sa mga taong mababa ang antas sa buhay kung kaya’t inilalarawan ng persona sa tula ang kawalan ng katarungan sa pagkamit ng hustisya.

- Piliin ang pinakamagandang saknong na iyong nagustuhan at bigyan kung bakit mo ito napili.

- “At bukas, diyan din, aking matatanaw
Sa sandipang langit na wala nang luha,
Sisikat ang gintong araw ng tagumpay…
Layang sasalubong ako sa paglaya!”
Ito ang pinakamagandang saknong na aking nagustuhan sa tulang Isang Dipang Langit sapagkat ipinapahayag nito na hindi laging kahirapan ang ating mararanasan, hindi lahat ng api ay magiging api na lamang sa lahat ng oras at hindi sa lahat ng araw ay nakakulong tayo sa kadiliman. Ipinahayag ng saknong na ito na mayroong katapusan ang lahat ng kahirapan at mga problema at palagi nating tandaan na sa dulo ng ating tinatahak na landas ay mayroong sasalubong na liwanag.


2. Ipakilala ninyo sa akin si Amado V. Hernandez sa loob ng 50 na salita.

• Si Amádo V. Hernández ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 1973. Mas kilala siya bilang Ka Amado sa kaniyang mga kaibigan at kasáma sa kilusang paggawa. Kinilala siya dahil sa mga akdang makabayan at nakikisangkot sa mga problemang panlipunan at kilala rin siya sa organisasyong panlipunan.

3. Gawing maikling kuwento ang tulang “Isang Dipang Langit” ni Amado Hernandez.

- Ang maikling kuwento ay halaw sa Isang Dipang Langit.




Isang Dipang Langit

Halaw sa tula ni Amado V. Hernandez

            Isa si Gabriel sa mga napapabilang sa mga pamilyang kapos sa buhay. Ipinagsasabay niya ang kaniyang pag-aaral at pagiging working student. Mayroon siyang matinong pananaw sa kaniyang pag-aaral dulot na rin ng kahirapan kaya’t gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral. Mabait na anak si Gabriel, tinutulungan niya ang kaniyang nanay sa pagtitinda ng gulay tuwing sabado at linggo ganun rin sa mga gawaing bahay. Pinapanatili niya rin ang kaniyang matataas na grado upang maipag-patuloy niya ang kaniyang pagiging skolar. Tumutulong rin siya sa kaniyang tatay sa kanilang bukid tuwing walang pasok kung kaya’t malaking pasasalamat rin ng mga magulang ni Gabriel sa kaniyang
pagiging matinong anak.

           Isang araw, habang masayang naglalakbay si Gabriel pauwi sa kanilang bahay, may isang lalaki na nakasakay sa motorsiklo ang nagpasuyo kay Gabriel. Inutusan niya si Gabriel na ihatid ang isang order sa katabing barangay kapalit ng dalawang libong piso. Nagdadalawang isip si Gabriel kung ihahatid ba ito o hindi ngunit dahil sa kagustuhan niyang matustusan ang kaniyang pag-aaral at para makatulong sa kaniyang magulang ay tinanggap niya ang alok ng hindi kilalang lalaki. Bitbit ni Gabriel ang isang maliit na kahon habang naglalakad patungo sa kabilang barangay ng biglang may humarang na sasakyan ng pulis sa kaniyang harapan at walang awang dinampot si Gabriel. Sa prisinto na lamang nalaman ni Gabriel na ang laman pala ng bitbit niyang kahon ay illegal na druga. Nagpaliwag siya sa mga pulis kung ano ang totoong nangyari at wala siyang alam sa kung ano ang laman ng kahon ngunit hindi siya pinakinggan ng mga ito. Umiyak ng umiyak si Gabriel sa kaniyang mga magulang ngunit walang pambayad ang kaniyang mga magulang para sa kaniyang piyansa.

            Ilang araw, linggo, buwan at taon ang nakalipas ay nanatili si Gabriel sa kulungan. Naranasan niya sa kulungan ang iba’t ibang uri ng pisikal na pananakit. Iba’t ibang ugali ng mga taong nasa loob ng bilibid ang kaniyang nakasalamuha. Sa kabila ng mga pasakit at pighati ni Gabriel sa kulungan, hindi pa rin natinag ang kaniyang paniniwala na hindi mananatili ang ganoong sitwasyon ng kaniyang buhay, malakas ang kaniyang pananalig sa Poong Maykapal at naniniwala siya na hangga’t nabubuhay ay may pag-asa. Itinatak niya rin sa kaniyang isipan na hindi kailanman magtatagumpay ang kasamaan sa kabutihan.

Popular posts from this blog

ISKWATER BLOG #2